Driver todas, 4 sugatan sa karambola

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang tricycle driver habang sugatan ang apat na iba makaraang magkarambola ang limang sasakyan sa Tondo, Manila, ngayong Sabado ng umaga.

Kinilala ang namatay na si Felix Patilagan, nasa hustong gulang, ng Agora, Navotas City, habang ginagamot sa Tondo Medical Center sina Rafael Santos, 32; Sherwin Caguco, 16, ng Infanta Street, Balut Tondo; Simplicio Elcalma, 14, ng Eduque St., Balut; at Norbeto Trogon, 63, ng Parola Compound, Tondo.
Nahaharap naman sa reckless imprudence resulting in homicide with multiple physical injuries at damage to property si Michael Russel Lopez, 25, ng Aplaya St., Balut, Tondo.
Batay sa ulat ni Senior Insp. Jaime Gonzales, deputy chief of investigation sa Manila District-Traffic Enforcement Unit, dakong 5:30 ng umaga nang mabangga ng Toyota Vios (A3-8830) na minamaneho ni Lopez ang tricycle ni Patilagan.
Dahil sa impact, nabangga rin nila ang dalawa pang tricycle at isang Honda Click motorcycle.
Mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan ang mga biktima, subalit hindi na umabot nang buhay si Patilagan.

Mary Ann Santiago