6 pa sa Laguna, tepok din sa lambanog

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

CALAMBA CITY, Laguna – Kinumpirma kahapon ng pulisya na anim na katao pa ang nadagdag sa mga nasawi sa pag-inom ng lambanog sa Calamba City, Laguna, hiwalay pa sa unang apat na nasawi sa Sta. Rosa City sa probinsiya.

Kinilala ni Laguna Police Provincial Office director Senior Supt. Eleazar Matta ang mga nasawi na sina Jonathan Maligaya Barceta, 36, binata, dating lifeguard, na namatay nitong Nobyembre 29; Jesus Olanday, na nasawi nitong Disyembre 1; Roderick Victoria Martinez, 38, may-asawa, construction worker, na namatay nitong Disyembre 2; Cornelio Balahadia Opulencia, 58, mangingisda, na pumanaw nitong Disyembre 3; Nestor Villanueva Mancay, 63, binata, mangingisda, na nasawi nitong Disyembre 5; at Felipe Eresga Guevarrra, 62, na namatay nitong Disyembre 6, pawang taga-Barangay Sucol, Calamba.

Batay sa report ni Matta, sinabi ng mga kaanak ng mga nasawi na dumanas ng matinding pananakit ng tiyan ang anim, sumakit ang ulo, nagsuka, naparalisa, at nabulag makaraang uminom ng lambanog.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang pulisya kay Sonny Balagtas, kagawad ng Bgy. Sucol, at nakuha mula sa tatlong sari-sari store ang natitirang “Bossing Pure Lambanog Tumador”.

Kinumpirma rin ng City Health Office na nakakuha na ito ng sample ng nasabing inumin nitong Disyembre 5, na isusumite sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) para sa toxicology examination, ayon kay Matta.

-Danny J. Estacio