Ilang kalsada sa Pasig, isasara para sa ‘Paskotitap’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isasara ng Pasig City ang ilang kalsada sa lungsod upang bigyang-daan ang ‘Paskotitap Float Festival’ sa Linggo, Disyembre 9.

Sinabi ng Pasig Public Information Office, na kabilang sa mga isasarang kalsada ang Ortigas Avenue Extension eastbound mula sa Greenmeadows hanggang Dr. Sixto Antonio Avenue, simula 6:00 ng gabi hanggang 7:00 ng gabi.

Sarado naman mula 1:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi ang Frontera Verde Road (Tiendesitas), gayundin ang E. Rodriguez Jr. Avenue (C-5) mula Eagle Street hanggang Ortigas Avenue mula 6:00 ng gabi hanggang 7:00 ng gabi.

Ang Eagle Street ay sarado rin mula 6:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi, habang mula 6:00 ng gabi hanggang 8:00 ng gabi naman isasara ang Dr. Sixto Antonio Avenue.

Isasara rin ang Pasig Boulevard hanggang Vargas Bridge/Rotonda, mula 7:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi; habang 8:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi naman sarado ang Plaza Rizal intersection.

Mula 8:00 ng gabi hanggang 12:00 ng hatinggabi, isasara ang magkabilang-direksiyon ng Caruncho Avenue at F. Manalo Street.

-Mary Ann Santiago