Truck nawalan ng preno: 3 patay, 13 sugatan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

TACLOBAN CITY – Patay ang tatlong katao, kabilang ang driver ng 10- wheeler truck, at 13 iba pa ang sugatan sa road crash sa Barangay 6, Salcedo, Eastern Samar, nitong Lunes ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang naturang sasakyan ay kargado ng semento at bumabaybay mula Tacloban City patungong Guiuan, Eastern Samar sa ganap na 4:00 ng hapon nang mawalan ng kontrol ang driver na si Bayani Ramboy, 43, ng Bgy. 2 Guiuan, at bumangga sa isang tindahan na pag-aari ni Dennis Boco.

Lalo itong nakaabala sa kalsada at sinalpok ang tatlo pang tindahan, anim na tricycle at anim na motorsiklo na nakaparada sa tapat ng palengke.

Ayon kay PSupt. Bella Rentuaya, Police Regional Office 8 information officer, dead on arrival si Ramboy habang ang dalawa pang nasawi ay sina Jushua Tadong, ng Bgy. San Roque Salcedo, Eastern Samar; at Orlando Enderio, 53, kagawad ng Bgy 13.

Isinugod naman sa Guiuan hospital ang 13 pedestrian para malapatan lunas.

Sa nasabing insidente, apat na tindahan ang nasira, anim na tricycle at anim na motorsiklo.

-MARIE TONETTE GRACE MARTICIO