3 patay, 16 sugatan sa STAR tragedy

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

LIPA CITY, Batangas – Tatlo ang nasawi habang 16 ang sugatan nang tumaob ang sinasakyan nilang van sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway sa Lipa City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Police Chief Insp. Wilfredo Sacmar, hepe ng Road Crash Investigation STAR Tollway, ang mga nasawi ay sina Maxine Guinevere Vivas at Ma. Kristina Paula Mercurio, kapwa estudyante.

Patay din ang driver na si Danny Manalo, na naisugod pa sa Daniel Mercado Medical Center.

Sa ulat ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), binabagtas ng nasabing sasakyan ang STAR Tollway patungong Batangas City nang sumabog ang gulong ng van (NDS 6161), bandang 6:30 ng umaga.

Gumulong ng ilang beses ang sasakyan bago sumalpok sa center island sa Barangay Bugtong, Lipa City.

Ang mga sugatang pasahero ay isinugod sa Mary Mediatrix Medical Center , Metro Lipa Hospital sa Lipa City at CP Reyes Hospital sa Tanauan City.

-Lyka Manalo