Filipino at Panitikan, gabay tungo sa maliwanag na bukas

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

ISA sa mga iniiwasan ng mga manunulat ang pagtalakay sa mga bagay na pinakamalapit sa damdamin o mismo nang laman ng puso. Hangga’t maaari, huwag na lang sulatin, siyempre pang hindi magiging patas.

Baka magkaiyakan lang, lalong lalabo ang pananaw at usapan.

Kasi nga naman, pinakamamahal.

Isa sa mga paksang ito ang wika, sa pagkakataong ito — ang wikang Tagalog (Filipino para sa iba), na ginagamit sa pahayagang ito at ng mahigit 100 milyong Pilipino saan mang panig ng mundo.

Pero hindi na kami magpipigil ngayon, sa katwirang hindi lang naman dahil ito ang ginagamit namin sa hanapbuhay. At ang mga manunulat, sa maniwala kayo’t sa hindi, ay hindi lamang nagsusulat para sa kanilang kakainin kundi para sa kapakanan ng lahat. At ang mga mambabasa ay hindi lamang naman sumusuporta sa mga manunulat o peryodista tuwing bumibili ng diyaryo o libro, pinalalawak din nila ang kanilang kaisipan.

Tulad ng ating dugong kayumanggi at mga kaugalian, ang ating wika ay minana pa natin mula sa ating mga kanunununuan. Ito ang isa mga pagkakakilanlan natin. Napakahalagang pamana nito na, hindi man natin lubos na namamalayan, patuloy na bumibigkis sa ating lahat.

Bagamat maraming pagkakasalu-salungat ang mga Pilipino, lalo na sa kasalukuyan, nagkakaunawaan pa rin naman ang lahat gamit ang wikang sariling atin.

Kaya hindi kataka-taka kung bakit kontra ang cultural workers at ang karamihan sa mga Pilipino sa desisyon ng Korte Supreme na tanggalin na sa core subjects ng college ang Filipino at Panitikan.

Nasa Korte Suprema ang ilan sa pinakamatatalino ng lahing ito, pero bakit hindi nila napagtanto na laban sa sarili nating bansa ang naging desisyon nila?

Sa kolehiyo na unti-unting nahihinog ang kaisipan ng mga estudyante, bakit kailangan silang tanggalan ng pagkakataon na mabasa at mapag-aralan ang akda ng mga Pilipinong manunulat?

Hindi lang naman sa mga diyaryo at aklat ginagamit ang Tagalog, pati na sa mga programa ng radyo, telebisyon, mga pelikula at sa bagong platforms tulad ng blogs at websites. Paano magiging epektibo ang susunod na communicators ngayong tatanggalin na ang wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo?

Kasama ang Korte Suprema sa mga nagbibigay ng giya sa tamang landasin ng Pilipinas, saan nila gustong papuntahin kung gayon ang mga susunod na henerasyon?

Kaisa kami ng maraming nananawagan na bigyan ng malawakang pag-aaral at pang-unawa ang usaping ito.

-DINDO M. BALARES