Navy depot sa Cavite, naabo

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Pinawi ng Philippine Navy (PN) ang pangamba ng mga residenteng malapit sa Naval Ordnance depot nito, dahil nakontrol na nito ang apoy na sumiklab sa imbakan ng mga bala sa Sangley Point, Cavite, kahapon ng madaling araw.

Ito ay ayon kay PN spokesperson Commander Jonathan Zata, na nagsabing nangyari ang sunog sa isa sa mga igloo kung saan nakaimbak ang mga bala ng mga small firearms.

Nagsimula umano ang sunog sa pagitan ng 5:00 hanggang 5:30 ng madaling araw kahapon.

Sinabi ni Zata sa mga residente na kung may nakikita silang usok na may iba’t ibang kulay sa lugar ito ay dahil kasama sa tinupok ng apoy ay mga smoke bombs, maging bala ng mga grenade launchers.

Kabilang sa mga balang natupok ay mula sa M16, M14 rifles, .45 caliber, at 9mm pistol.

Hindi umano makaaapekto ang sunog sa iba pang katabing igloo dahil itinayo ang ganitong imbakan para malimitahan ang pinsala sa mga katabing istruktura.

Sa ngayon, patuloy na inaalam ng PN kung ano ang sanhi ng naturang insidente.

Walang iniulat na nasaktan sa pangyayari.

-Beth Camia