Drug, pregnancy tests sa estudyante, suportado

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Suportado ng Malacañang ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga Grade 4 pupil, gayundin sa polisiya ng isang paaralan sa Baguio City na magsagawa ng pregnancy test sa mga estudyante nito bago ang enrolment.

Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng negatibong reaksiyon ng publiko sa nasabing mga test dahil sa posibilidad na nilalabag nito ang karapatang pantao ng mga estudyante.

Tinukoy ni Panelo ang huling survey ng Social Weather Station (SWS), na natukoy na umani ng positibong reaksiyon mula sa mga magulang ang mandatory drug test sa mga mag-aaral dahil nais umano nilang malaman kung sangkot sa ilegal na droga ang kanilang mga anak.

“I think that’s a good idea because at least the parents will know whether or not their children are addicted or are being used in the drug industry,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng Palasyo na hindi na kailangang amyendahan pa ang batas kung papahintulutan lang ang mandatory drug testing sa mga high school student.

Gayunman, kung kinakailangan ay susuportahan ito ng Malacañang, ayon kay Panelo.

“If there is a need for that, but I don’t think there is a need for that because that is for the benefit of the family. I think all parents would welcome that. I would welcome it as a parent,” aniya.

Hindi rin, aniya, paglabag sa batas ang nasabingh mungkahi ng PDEA, dahil walang sinumang magulang ang tumututol sa usapin.

Sinabi rin ni Panelo na naiintindihan niya ang layunin sa inilabas na memorandum ng Pines City College sa Baguio City na nag-oobliga sa mga estudyante nito na magpa-pregnancy test, dahil para rin ito sa kapakanan ng kababaihang estudyante ng eskuwelahan.

“From what I gather, the schools are alarmed that certain laboratory equipment might affect pregnant students. So it’s more of a health care,” aniya.

Hindi rin, aniya, paglabag sa batas ang inilabas na memo.

“I don’t think so, either. If it’s precisely for you health, why should it be violative?” sabi pa ni Panelo.

Nanawagan naman kahapon sa pamahalaan ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na suriing mabuti ang bawat polisiyang ipatutupad nila, kaugnay ng planong mandatory drug testing ng Commission on Higher Education (CHEd) sa susunod na taon.

“Sa mga public officials po, especially those who are in CHED kung puwede po sana ay pag-aralang mabuti itong policy na gusto nating ipatupad,” pahayag ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, sa panayam ng Radio Veritas.

Ipinaliwanag ng Obispo, na siya ring namumuno sa Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na bago ipatupad ang mandatory drug testing ay mahalagang konsultahin muna dito ang mga magulang ng mga kabataan.

Kinontra rin ni Fr. Jerome Secillano, ng Nuestra Señora Del Perpetuo Socorro Parish, ang polisiya sa pregnancy test sa mga estudyante.

“What does it have to do with education? Is it meant to monitor a student’s performance?” sabi ni Secillano sa isang panayam.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at MARY ANN SANTIAGO,

ulat ni Leslie Ann Aquino