Humalay sa bata kapalit ng P25, timbog

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Arestado ang isang janitor, na itinuturong gumahasa sa isang anim na taong gulang na babae, kapalit ng P25, sa Barangay Tumana, Marikina City.

Kakasuhan ng rape in relation to Anti-Child Abuse Law (RA 7610) si Virgilio Bermoy, alyas “Ver”, 48, ng Bgy. Tumana, matapos siyang ituro na nanggahasa sa bata na dati niyang kapitbahay.

Sa naantalang ulat ng Marikina City Police, isinagawa ng suspek ang panggagahasa sa biktima sa loob mismo ng kanyang bahay nitong Nobyembre 3, dakong 7:00 ng gabi.

Nauna rito, naglalaro umano ang biktima sa isang eskinita sa kanilang lugar nang dumating ang suspek, na dati nilang kapitbahay.

Hinikayat umano ng suspek ang biktima na sumama sa kanya at inalok na bibigyan niya ito ng pera, na kailangan nilang ipabarya sa tindahan.

Subalit hindi sa tindahan dinala ng suspek ang bata, kundi sa bahay nito at doon umano ginahasa.

Matapos ang insidente, binigyan umano ng suspek ang bata ng P25 at pinauwi na.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ng ina ng biktima na nalaman niya lang ang krimen nang magsumbong sa kanya ang anak nitong Nobyembre 5, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

-Mary Ann Santiago