2 QC cops, tinutugis sa rape

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Iniutos na kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Supt. Guillermo Eleazar na tugisin ang dalawang pulis-Quezon City na inakusahang gumahasa sa isang babae kapalit ng pagbasura sa kaso nitong illegal gambling.

Dahil dito, nasa balag na alanganin sina PO1 Severiano Montalban at PO1 Jayson Portuguez, na pinaniniwalaang nagtatago na sa batas.

Ang hakbang ni Eleazar ay kasunod na rin ng paghahain ng isang babae ng kasong rape laban sa dalawang pulis.

“I am displeased of this behavior of these two policemen. This is not tolerated in the police organization,” ani Eleazar.

Sina Montalban at Portuguez ay inaakusahang gumahasa sa isa sa anim na babaeng naaaresto sa pagsusugal, nitong nakaraang linggo.

Natuklasan sa imbestigasyon, nauna nang binisita ng babae ang kanyang live-in partner na nakakulong sa Novaliches Police Station sa kasong illegal gambling, nitong Nobyembre 2.

Nang umuwi, dumiretso ang babae sa kanyang mga babaeng kaibigan at matapos ang ilang oras ay dumating ang grupo ng mga pulis at inaresto sila sa kahalintulad na kaso.

Habang isinasailalim sa medical examination sa Quezon City General Hospital ang anim na babaeng nadakip, nakiusap uimano ang babae kay Montalban na huwag na siyang isama sa kaso dahil nakakulong na ang ka-live-in nito.

Naiulat na pumayag si Montalban sa kahilingan ng babae basta makipagtalik ito sa kanya at ito ay isinagawa sa loob mismo ng

police car, na nakaparada lamang sa madilim na bahagi ng ospital.

Pinakiusapan din ni Montalban ang babae na gawin niya rin ito sa kanyang kasamahang si Portuguez at nang matapos ay pinakawalan na lang ito.

-Aaron Recuenco