Bagong economic growth, target ng economic managers

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

NAGDESISYON ang mga economic managers ng Pilipinas na ibaba ang target na paglago sa ekonomiya ng bansa bilang pagtingin sa “new realities” sa kapwa internasyunal at lokal na sitwasyon ng ekonomiya, kasunod ng pagpupulong ng Development Budget Coordinating Committee.

Napagkasunduan ang pagbabago bilang pagtugon sa mga kaganapang global, partikular ang pagtaas ng presyo ng langis at ang tumitinding trade war sa pagitan ng Estados Unidos at China. Sa bansa, tumaas ang presyo ng langis dulot ng pandaigdigang mga pagbabago, at dahil din sa epekto ng bagong buwis na ipinataw sa pamamagitan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Napagdesisyunan ng mga economic managers na ibaba ang target na pag-angat sa Gross Domestic Product (GDP) para sa 2018 sa 6.6 hanggang 6.9 porsiyento, mula sa dating target na 7 hanggang 8%.

Subalit ang mas mataas na 7%-8% na target ay mananatili sa mga susunod na taon mula 2019 hanggang 2022. Upang makamit ito, isusulong ng pamahalaan ang agricultural development sa pamamagitan ng mga high-value crops at higit na paggamit ng teknolohiya, mas maraming pamumuhunan sa manufacturing, napapanahong implementasyon ng mga proyektong pang-konstruksiyon, ang pagpasok ng bagong telecom na kumpanya, mapanatiling masiglang turismo, at ang pagkumpleto sa master plan para sa programang pang-transportasyon at iba pa. Ito ang panig ng supply ng economic situation.

Hangad din ng pamahalaan na humikayat ng mas maraming pamumuhunan, lokal at internasyunal, gamit ang malawakang “Build, Build, Build” infrastructure program.

Sa panig naman ng demand, hangad ng pamahalaan na mapataas ang mga household consumption at palawakin ang mga programang panlipunan tulong.

Maaaring hindi maabot ng maraming tao ang lahat ng mga target, ngunit maiintindihan at ikalulugod ang plano ng pamahalaan na pagpapataas ng household consumption—na nangangahulugang mas maraming tao ang makakayang makabili ng produkto para sa kanilang pangangailangan.

Nasa gitna pa rin tayo ng panahon ng nagtataasang presyo, na nagsimula noong Enero nang humantong ang mga pandaigdigang kaganapan sa pagbaba ng supply ng langis sa mundo na nagdulot ng pagtaas ng presyo. Nagkataon namang nasabay ito sa pagpapatupad ng pamahalaan ng TRAIN excise tax sa diesel at iba pang gasolina. Ngayon nga ay nagdesisyon ang gobyerno na suspendihin ang buwis na ito ng P2 kada litro ng gasolina, simula sa Enero 2019.

Nagawang makakolekta ng pamahalaan ng P33.7 bilyon mula sa mga buwis sa unang kalahati ng 2018; magiging P63.3 bilyon ang kabuuang koleksiyon sa pagtatapos ng taon. Napagkasunduan nang pakawalan ang koleksiyon na ito para sa unang tatlong buwan ng 2019. Malaking salik ito sa paglilimita ng pagtaas ng lokal na presyo sa susunod na taon, kahit pa magpatuloy ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.

Mayroon nang malaking pag-asa na ang malaking suliranin natin sa mataas na presyo—inflation sa salita ng mga ekonomista—ay unti-unti nang malulutas. Ang agarang aksiyon ng pagsuspende sa buwis sa langis, dagdag pa ang plano ng ating mga tagapamahalang pang-ekonomiko sa GDP, para sa agrikultural na pag-unlad, pamumuhunan, manufacturing, transportasyon, imprastruktura, at iba pang aspekto ng pambansang ekonomiya ay nararapat na magsilbi upang siguraduhin sa mamamayan na ang mga paghihirap na ating nararanasan ay malapit nang magwakas.