3 most wanted, pinagdadampot

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Naghihimas na ng rehas na bakal ang tatlong lalaking pawang most wanted sa kasong pagpatay, sa magkakasunod na operasyong inilunsad ng mga awtoridad sa Mandaluyong City, Marikina City, at San Juan City, nitong Sabado.

Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunuan ni Chief Supt. Bernabe Balba, unang naaresto ng Mandaluyong City Police si Jonas delos Santos, 36, ng Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong, na most wanted sa lungsod.

Inaresto si delos Santos dakong 6:45 ng gabi sa kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Carlos A. Valenzuela ng Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 213.

Sumunod na naaresto ng Marikina City Police si Marvin Neri, na ikalawang most wanted sa siyudad, dakong 9:25 ng gabi, sa Bgy. Malanday, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Felix P. Reyes ng Marikina City RTC Branch 272.

Samantala, dakong 10:00 ng gabi nang madakip ng San Juan City Police si Jerry Bulalaque sa Master Gym sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Si Bulalaque, na most wanted sa San Juan, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest ni Hon. Judge Caesar C. Buenagua ng San Juan City RTC Branch 160.

-Mary Ann Santiago