Oplan Undas 2018, ikakasa ng MMDA

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga paghahanda upang tiyaking maayos ang magiging paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day (Nobyembre 1 at 2) sa Metro Manila.

Nagsasagawa na ng clearing ang mga tauhan ng Task Force Special Operations sa mga sagabal sa kalsadang patungo sa mga sementeryo, habang sinusuyod na rin ng Metro Parkway Clearing Group ang paligid ng mga pangunahing sementeryo sa Metro Manila.

“We leave the responsibility of cleaning inside cemeteries to local government units. We are also calling on the public to keep cemeteries clean and tidy,” sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa press briefing nitong Martes.

Sa pagpapatupad ng “Oplan Undas 2018” sa Oktubre 27, mahigit 2,000 traffic personnel ang ide-deploy maghapon sa mga kritikal na lugar upang siguruhin ang maayos na trapiko sa mga pangunahibg kalsada, at matukoy ang mga traffic-prone areas sa Metro Manila.

“MMDA Chairman Danilo Lim declared a No Dayoff, No Absent policy for MMDA traffic personnel from October 27 to November 3,” ani Garcia.

Samantala, suspendido ang number coding scheme sa Nobyembre 1 at 2, na parehong non-working holidays.

Mahigpit na babantayan ng MMDA ang Manila North Cemetery sa Maynila, Manila South Cemetery sa Makati City, Loyola Memorial Park sa Marikina City, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, at Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Maglalagay naman ang Road Emergency Group ng mga tent bilang Public Assistance Centers sa apat na sementeryo, at magdi-dispatch din ng mga ambulansiya.

-Bella Gamotea