Mag-ingat sa ‘Ipit Gang’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Pinag-iingat ng Makati City Police ang publiko sa mga modus ng kilabot na “Ipit Gang”, lalo na habang papalapit ang Pasko.

Ayon sa awtoridad, marami pa rin ang nabibiktima ng Ipit Gang, at malimit na may mga kasabwat ang grupo sa pagnanakaw sa mahahalagang gamit, at ang nasabing mga kasabwat ang gumagawa ng panlilito sa mga biktima.

Kaugnay nito, nagpaskil ng gallery ang pulisya para sa frontliners upang mabigyang babala ang publiko laban sa mga suspek.

Nabatid na nambibiktima ang Ipit Gang sa mga terminal at tren ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), at partikular na tinatarget ang mga pasahero ng bus sa northbound at southbound ng EDSA, sa bahagi ng Buendia, Makati.

Ilan sa mga kasapi ng grupo ang naaresto na ng Makati City Police at kinasuhan na ng theft sa korte.

Dahil may kaukulang piyansa ang nasabing kaso, kaagad ding nakakalabas ng kulungan ang mga suspek at nagpapatuloy sa kanilang ilegal na aktibidad.

Ibinunyag pa ng Makati Police na ang Ipit Gang ay protektado umano ng isang PO1 Tamondog, dating nakatalaga sa Makati Police.

-Bella Gamotea