FOI sa executive branch, rerepasuhin

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isang komite ng gobyerno ang nilikha para repasuhin at i-update ang exceptions sa freedom of information (FOI) mechanism sa executive branch.

Sa Memorandum Circular No. 49, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice at ang Office of the Solicitor General na pamunuan ang “inter-agency freedom of information exceptions policy committee.”

Kasama sa komite ang Presidential Communications Operations Office, Office of the Government Corporate Counsel at National Privacy Commission.

“An Inter-Agency FOI Exceptions Policy Committee is hereby created to review the inventory of exceptions issued pursuant to EO No. 2 and periodically update the list of exceptions to properly reflect any change in existing laws and jurisprudence,” mababasa sa circular.

Noong Hulyo 2016, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 2 na ipinag-uutos ang full public disclosure ng impormasyon sa mga opisina sa ilalim ng executive branch. Maaaring humiling ang publiko ng access sa mga rekord ng gobyerno sa pamamagitan ng official website ng FOI o sa mga opisina executive branch.

Ang exceptions sa information release ay ang mga sakop ng executive privilege; privileged information kaugnay sa national security; impormasyon kaugnay sa law enforcement at proteksiyon ng publiko at personal safety; impormasyon na itinuturing na confidential para sa proteksyon ng privacy ng mga indibidwal gaya ng mga menor de edad, mga biktima ng krimen o ng akusado.

Ang bagong circular, nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa awtoridad ng Pangulo nitong Oktubre 10, ay kaagad na magkakabisa. Inilabas ng Palasyo ang kopya ng circular kahapon lamang.

-Genalyn D. Kabiling