UAAP: Adamson Falcons, muling maglalayag

Filed under Basketball, Sports Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
2:00 n.h. — UE vs NU
4:00n.h. — Adamson vs La Salle

Ni Marivic Awitan

BALIK tuldok ang kampanya ng Adamson Falcons matapos mabahiran ang dating malinis na marka sa laban kontra Far Easter University Tamaraws.

Sa pagbabalik aksiyon ngayon, ang palaso ng La Salle Green Archers ang pangingilagan ng Falcons upang mapanatili ang liderato sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay.

Naputol ang winning streak ng Falcons at naunsiyami ang tangkang sweep ng first round nang gapiin ng Tamaraws sa nakalipas na Linggo, 88-85, sa Araneta Coliseum.

Gayunman, napanatili ng Adamson ang pamumuno tangan ang 5-1 karta. Magkasosyo sa ikalawang puwesto ang Ateneo at FEU na parehong may 5-2 karta.

Sisikapin ng Green Archers na tumatag sa kinalalagyang ika-4 na posisyon at makaiwas na mapasadlak kasama ang University of Santo Tomas at University of the Philippines na kapwa may 3-4.

Samantala sa unang laro, makaiwas na tumapos na kulelat sa unang round ang kapwa tatangkain ng magkatunggaling UE Red Warriors at National University Bulldogs.

Mag-uunahan ang dalawang koponan na makapagtala ng ikalawa nilang tagumpay sa kanilang tapatan ganap na 2:00 ng hapon.