19 medalya, bagong marka ng PH Team sa Asian Para Games

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed
HULING HIRIT! Ibinida ni Adeline Dumapong ang bronze medal na napagwagihan sa powerlifting sa pagtatapos ng 3rd Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia. Humakot ang Pinoy ng 19 medalya, tampok ang anim na ginto sa multi-event tournament.   						    PSC PHOTO

HULING HIRIT! Ibinida ni Adeline Dumapong ang bronze medal na napagwagihan sa powerlifting sa pagtatapos ng 3rd Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia. Humakot ang Pinoy ng 19 medalya, tampok ang anim na ginto sa multi-event tournament. PSC PHOTO

HINDI uuwing luhaan ang pamosong powerlifter na si Adeline Ancheta-Dumapong.

Nakapag-ambag ng bronze medal ang Paralympian sa Women’s Powerlifting 86kg category sa pagtatapos ng 3rd Asian Para Games kahapon sa Jakarta Sports Center.

Sa nakuhang bronze, naitala ng Team Philippines ang impresibong marka na kabuuang 19 medalya, tampok ang anim na ginto – pinakaproduktibong kampanya ng koponan sa prestihiyosong kompetisyon.

Bukod sa anim na ginto, nagwagi rin ang Pinoy Para athletesd ng anim na silver at pitong bronze medals.

Sa 12 sports na nilahukan, nakapagwagi ng medalya ang delegasyon sa swimming, sa pangunguna ni double gold medalist Ernie Gawilan; chess, tenpin bowling table tennis, cycling at powerlifting.

“We congratulate all members of the Team Philippines, especially our medallists. Pinatunayan nilang kayang makipagsabayan sa pinakamahuhusay na atleta sa Asya,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at head of delegation Arnold Agustin.

Nasa pangangasiwa ng PSC, sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang pagsabak ng delegasyon sa quadrennial meet.

Nakatakdang magbalik-bansa ang delegasyon sa linggo (Oct. 14) sa dalawang grupo sa NAIA Terminal 3. Ang unang batch ay nakaiskedyul na dumating ganap na 1:05 ng hapon, habang ang ikalawang batch ay lalapag ganap na 3:30 ng hapon.