Saso, kumikig sa Youth Olympics

Filed under Golf, Sports Balita RSS RSS Feed

BUENOS AIRES – Matikas na sinimulan ni Yuka Saso ang kampanya sa women’s golf competition ng 2018 Youth Olympics sa one-over 71 para makisososyo sa ikalawang puwesto, habang kinapos sina fencer Lawrence Everett Tan at swimmer Nicole Oliva sa kanilang ratsada.

Sa kabila ng malakas na bugso ng hangin sa Hurlingham Club, naisalba ng Asian Games double gold medalist ang laban para manatiling nasa kontensyon – dalawang stroke ang layo sa nangungunang si Alesia Nobilio ng Italy.

Naisalpak ng 17-anyos ang limang birdie kabilang ang par-3 No.12.

“Mahangin sa course, mabuti na lang at naka-adjust ako,” pahayag ng Filipino-Japanese golf standout. Kasama niya sa ikalawang puwesto sina Maria Fernanda-Martinez ng Mexico, Emille Oeveraas ng Norway, Grace Kim ng Australia at Hoyu-An ng Chinese Taipei.

Umiskor din si Carl Jano Corpus ng 71, ngunit sapat lamang ito para sa ikalimang puwesto sa men’s individual play.

Sa fencing, laglag si Tan sa medal stages matapos matalo kay Pak Chan ng Hong Kong, 11-15, sa round of 16 sa men’s foil event.

Nabigo naman si Oliva na magkwalipika sa sa women’s 800m freestyle sa Olympic Park pool sa tyempong 8:52.29.