Pagara, dedepensa ng korona vs Ghanian

Filed under Boxing, Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Gilbert Espeña

IPAGTATANGGOL ni WBO Inter-Continental super bantamweight titlist Albert Pagara ang titulo kay dating Ghanaian featherweight champion George Krampah sa Pinoy Pride 45 card sa Nobyembre 24 sa IEC Convention Center, Barangay Mabolo, Cebu City.

Kasalukuyang nakalista si Pagara na No. 5 contender sa gusto niyang makalaban na kampeong si Isaac Dogboe ng Ghana at nakatala rin siyang No. 7 sa walang talong IBF junior featherweight champion Terence TJ Doheny ng Ireland.

Masusubukan si Pagara kay Krampah na napatigil ni Dogboe sa 7th round ng kanilang sagupaan para sa WBO Africa featherweight title noong Disyembre 26, 2015 sa Accra, Ghana bago pansamantalang nagpahinga sa boksing.

Natamo ni Pagara ang WBO regional title sa kanyang huling laban kay ex-West African Boxing Union bantamweight titlist Laryea Gabriel Odol ng Ghana rin na napatigil niya sa 3rd round ng kanilang sagupaan noong nakaraang Hunyo 9 sa Maasin City, Southern Leyte.

Bukod sa laban kay Dogboe, gusto rin ni Pagara na muling makaharap ang nagpalasap sa kanya ng unang pagkatalo na si Cesar Juarez ng Mexico via 8thround knockout noong Hulyo 9, 2016 sa San Mateo, California sa Estados Unidos.

“If it will happen, so be it. I’ll fight Dogboe. Whoever. But I will also want fight Cesar Juarez in a rematch,” sabi ni Pagara sa Philboxing.com hinggil sa matibay na Mexican na napabagsak niya sa 1st round pero nakabawi para siya naman ang mapatulog sa 8th round ng kanilang sagupaan para sa WBO Inter-Continental super banatmaweight title.

May rekord si Pagara na 30, 1 talo na may 21 pagwawagi sa knockouts kumpara sa mas bagitong si Krampah na may 14 panalo, 3 talo na may 12 pagwawagi sa knockouts.