Gawilan, Asian Para Games double gold medalist sumipa

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Annie Abad

JAKARTA – Mas naging inspirado sa pagdating ng Pangulong Duterte, umarangkada si Ernie Gawilan sa swimming competition para sa ikalawang gintong medalya nitong Miyerkules sa 2018 Asian Para Games sa GBK Aquatic dito.
Magkasabay na tumapos sina Gawilan at Ejima Daisuke ng Japan para kapwa tanghaling panalo sa men’s 100-meter backstroke sa tyempong isang minuto at 19.90 segudo. Nakuha ni Toh Wei Soong ng Singapore ang bronze (1:20.21).

Ito ang ikalawang ginto ng 27-anyos na si Gawilan matapos ang tagumpay sa men’s 200-meter individual medley SM7.

“Masaya po ako at inspirado, lalo na at nabalitaan ko na nandito sa Indonesia ang Pangulong Duterte. Hindi man makapanood ng live ang Pangulo, tiyak mababalitaan niya ang panalo,” pahayag ni Gawilan, patungkol sa pagbisita ng Pangulong Duterte sa karatig na Bali, Indonesia para dumalo sa Asean meeting.

Sa panalo, umangat ang medalya ng Team Philippines sa 6-6-6 para sa ika-11 puwesto sa quadrennial meet.
Bukod kay Gawilan, humakot din ang Philippine chess team ng tatlong ginto sa matikas na kampanya sa torneo para sa mga atleta na may kakulangan sa physical na katauhan.

Nakopo ni Sander Severino ang panalo sa P1 event sa GOR Cempaka Puti, habang pinangunahan ang team gold kamasa sina Jasper Rom at Henry Roger Lopez sa team standard class. Nagwagi rin ang team nina Redor Menandro, Arman Subaste, at Israel Peligro sa men’s team standard VI B2/B3.

Nagwagi rin ang chess team ng dalawang silver at dalawang bronze medals.