Buhay ni Messi, tampok sa Cirque du Soleil show

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed
Lionel Messi (JOSE JORDAN / AFP)

Lionel Messi (JOSE JORDAN / AFP)

IBABATAY ang bagong show ng Cirque du Soleil sa buhay ng mahusay na Argentinean soccer player na si Lionel Messi, inihayag nitong Martes ng grupo ng mga performing artist na nakabase sa Montreal.

May tour ang show, na ipo-produce katuwang ang PopArt Music at Sony Music, sa buong mundo sa 2019. Gayunman, hindi pa naihahayag ang eksaktong date at venue ng mga show.

Ang show ay kasunod ng Cirque du Soleil na nakatuon naman sa buhay at carrer ng mga music icon, gaya ng Beatles at ni Michael Jackson.

“It feels both crazy and incredible that Cirque du Soleil will create a show based on my life, my passion, my sport,” sabi ni Lionel, 31, sa video na naka-post sa website ng grupo.

“Cirque du Soleil is a family favorite of ours. I have no doubt this show will amaze people as their shows always do.”

Iniwan ng five-time FIFA World Player of the Year ang Argentina noong siya ay bata pa, para sumali sa Barcelona, ang club kung saan niya ginugol ang kanyang buong soccer career.

Dumanas ng mga pagsubok si Lionel noong bata pa siya at napakaliit din niya, dahilan para bigyan siya ng growth hormones upang makatulong na lumaki ang kanyang katawan.

Kinikilala siya bilang isa sa pinakamahuhusay na manlalaro makaraang mapagwagian ang lahat ng major club honors sa Barcelona. – Reuters