Beermen vs Fuel Masters

Filed under Basketball, Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:30 n.h. — Northport vs Meralco
7:00 n.g. — San Miguel vs Phoenix

MAPATATAG ang kapit sa No.4 ang tatangkain ng koponan ng Phoenix sa pagsalang nila kontra San Miguel Beer sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Governors Cup ngayon sa MOA Arena sa Pasay.

Hawak ang markang 6-2, tatangkaing kumalas ng Fuel Masters sa pagkakatabla sa Blackwater Elites sa laro kontra sa Beermen ganap na 7:00 ng gabi.

Manggagaling ang Phoenix sa impresibong 123-97 panalo kontra NLEX nitong Miyerkoles sa Cuneta Astrodome, habang magkukumahog namang makaahon ang Beermen sa kinahulugang tatlong dikit na kabiguan na nagbaba sa kanila sa barahang 2-4.

Samantala sa unang laban sa pagitan ng Northport (1-6) at Meralco (1-5) , kapwa naman magsisikap na palakasin ang kanilang tsansang umabot ng quarterfinals kanilang tapatan ganap na 4:30 ng hapon.

Magkataliwas ng kapalaran, pipilitin ng Bolts na makaahon sa kinasadlakang limang sunod na kabiguan pagkaraang magwagi sa una nilang laro habang magtatangka naman ang Batang Pier na dugtungan ang naiposteng unang tagumpay nitong Oktubre 6 sa Ynares Sports Center sa Antipolo City kontra Columbian Dyip.