‘Para sa Broken Hearted’, malamya sa takilya

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NANGHIHINAYANG kami sa Para Sa Broken Hearted movie nina Shy Carlos, Marco Gumabao, Sam Concepcion, Louise de los Reyes, at Yassi Pressman. Hindi kasi ito gaanong kinagat ng moviegoers, kahit pa maayos at maganda ang pagkakatahi-tahi ng kuwento, sa direksiyon ni Digo Ricio.

Pinanood namin ang PSBH sa Trinoma Cinema 5 nitong Lunes, at nalungkot kami dahil wala pa yata kaming sampu sa loob ng sinehan. Habang nanonood, gustung-gusto namin ang mga linya ng bawat karakter, na feeling namin ay kami lang yata ang nagkagusto, dahil wala man lang reaksiyon ang mga taong nasa tabi namin.

Sa totoo lang, naguguluhan na kami kung anong gusto ng moviegoers ngayon. O baka depende rin sa mga artista? May mga artista kasing pangtelebisyon lang at may pampelikula.

Masuwerte sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil pareho silang tinatangkilik sa telebisyon at pelikula, tulad din nina Angelica Panganiban at Carlo Aquino. Kaya parehong kumita ang mga pelikula nilang The Hows of Us at Exes Baggage.

Eh, kumusta naman ang Para Sa Broken Hearted? Hindi malakas sa pelikula ang mga bida at pangtelebisyon lang sila, tulad ni Yassi sa FPJ’s Ang Probinsyano, si Louise na nagustuhan sa Asintado. Kaya lang nawala na ang karakter ni Louise sa gitna.

Si Sam naman ay parang mas gusto siya sa musika o maging VJ, si Marco ay masusubukan kung malakas sa serye, dahil kasama siya sa Los Bastardos na malapit nang umere sa ABS-CBN.

At si Shy, na bida sa pelikula, ay wala pa kaming alam na project niya na talagang tinangkilik ng publiko.

-Reggee Bonoan