Mocha, kakandidatong independent

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Kakandidato bilang independent candidate sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019 si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson.

Sa news forum sa Maynila kahapon, sinabi ni Uson na hindi pa niya tiyak sa ngayon kung senador o pagka-kongresista ang aasintahin niyang posisyon.

Wala pa rin, aniya, siyang partido sa plano niyang pagsabak sa pulitika.

“Independent ako,” sinabi ni Uson sa naturang news forum.

Una nang inihayag ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi kabilang si Uson sa senatorial slate ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Si Pimentel ang presidente ng PDP-Laban.

Nagpahayag naman ng suporta si Pangulong Duterte sa planong pagkandidato ni Uson.

“I will support you,” sinabi ni Duterte kay Uson sa meeting sa Malacañang nitong Martes.

Itinanggi rin ng Pangulo na sinibak niya si Uson sa puwesto, at sinabing nag-resign ang dating assistant secretary ng PCOO.

“I never fired Mocha. Siya ‘yung nag-resign. All these years, when she was under heavy criticism, I supported her. Freedom of expression ‘yan,” sabi pa ni Duterte.

Oktubre 3 nang ihayag ni Uson sa kasagsagan ng Senate hearing na nagbitiw na siya sa puwesto bilang “sakripisyo” upang maipasa na ang budget ng PCOO para sa susunod na taon.

-Mary Ann Santiago at Genalyn D. Kabiling