Love scenes nina Derrick at Sanya, damang-dama

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

PASADONG R-13 sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at binigyan ng Cinema Evaluation Board (CEB) ng Grade B ang sexy film na Wild and Free mula sa Regal Entertainment, na pinagbibidahan nina Derrick Monasterio at Sanya Lopez, na idinirihe ni Connie Macatuno.

SANYA DERRICK 2

Sa premiere night nitong Martes sa SM Megamall Cinema 7 ay suportado sina Derrick at Sanya ng co-actors nila sa GMA 7, bukod pa sa mga bosses at staff ng network. In full force talaga sila.

Grabe, simula pa lang ng pelikula ay ipinakita na kaagad ang love scene nina Derrick (Jake) at Sanya (Ellie) sa loob ng sasakyan. Panggulat kaagad ito ni Direk Connie, para tumaas kaagad ang libido ng manonood.

Totoo nga ang mga ikinuwento ni Direk Connie sa amin nang makatsikahan namin siya nang solo sa media day ng Wild and Free na imposibleng walang naramdaman sa isa’t isa sina Derrick at Sanya sa mga ipinagawa niyang love scene.

Wild ang love scenes ng dalawa at talagang may tongue to tongue pa, bagay na ikinagulat ng mga kaibigan at pamilya nina Derrick at Sanya.

Mula sa likod namin ay may narinig kaming reaksiyon: “Hala, parang hindi si Patchot? Nagawa niya ‘yan? Ibang-iba na si Patchot.” Si Derrick kaya ang tinutukoy ng mga kaibigan niya, ‘yun kaya ang pet name ng aktor?

Nagugulat kami sa mga taong nasa likuran namin dahil sa tuwing matitinding love scenes ang eksena ay kung anu-anong gamit ang nagbabagsakan sa likod namin, na baka nabibitawan nila dahil dalang-dala sila sa pinanonood nila.

Hindi namin ipe-preempt ang pelikula dahil mas magandang panoorin ito para mas maramdaman ng manonood kung bakit tinawag na wild and free sina Jake at Ellie.

Anyway, naaliw kami kay Direk Connie dahil mas sexy pa ang outfit niya sa premiere night kumpara kay Sanya. Sabagay, siya talaga ang orihinal na wild and free noong kabataan niya, sabi niya.

Sabi nga namin kay Direk Connie, mas bagay pala sa kanyang gumawa ng sexy films kaysa sa wholesome, na sinang-ayunan naman ng lahat.

Ang linaw-linaw ng mga kuha ni Direk Connie, lalo na ang top shots niya habang nagjo-joyride sina Derrick at Sanya out of town gamit ang BMW big bike.

Palabas na ang Wild and Free kahapon, Oktubre 10, nationwide. Para sa updates, follow Regal Entertainment Inc. sa Facebook, @RegalFilms on Twitter, @RegalFilms50 sa Instagram at Regal Cinema channel sa YouTube.

-Reggee Bonoan