Letran at DLSU, angat sa Fr. Martin Cup

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

NAGWAGI ang Letran Knights at La Salle Green Archers sa magkahiwalay na laro para manatiling buhay ang kampanya sa quarterfinal ng 16th Fr. Martin Cup Division 2 basketball tournament kamakailan sa St. Placid gymnasium sa San Beda-Manila campus sa Mendiola.

Literal na hindi pinawisan ang Knights laban sa St. Joseph College of Bulacan via default, habang pinataob ng Green Archers, sa pangunguna ni Christian Manaytay na may 10 puntos, ang National University-A Bulldogs.

Nakopo ng Knights ang ikalimang sunod na panalo, habang nahila ng Green Archers ang marka sa 3-2 sa Group B.

Sa junior contest, ginapi ng La Consolacion College-Manila Baby Blue Royals, sa pamumuno ni Yman Urbano na kumana ng 19 puntos, ang Pasig Catholic College, 74-64, para sa ikalimang panalo sa Group A.

Naungusan ng Paco Citizens Academy Foundation ang Diliman Preparatory School 87-76, sa pangunguna ni Dustin Aguado na may 12 puntos.

Nanaig naman ang Xavier School sa St. Michael College of Laguna, 57-54, para sa ikalawang panalo sa Group A, habang nanalo via default ang San Beda-Rizal sa La Salle Greenhills.