10,000 dumagsa para kay Padre Pio

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Dinadagsa simula nitong Martes ng libu-libong deboto ang Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila upang masilayan ang heart relic ni Saint Padre Pio.

Sa datos ng Manila Police District (MPD), pagsapit pa lang ng 1:00 ng umaga kahapon ay nakapagtala na sila ng 5,000 deboto sa katedral, na dumoble pa at umabot sa mahigit 10,000 pagsapit ng tanghali.

Habang isinusulat ang balitang ito ay dagsa pa rin ang mga taong nais na masilayan ang sinasabing hindi nabubulok na puso ng milagrosong Santo, na nakatakdang ibiyahe sa Cebu ngayong Huwebes.

Pinakaaabangan naman ng mga taga-Cebu ang pagbisita sa kanilang lugar ng heart relic, na inaasahang darating sa lalawigan ganap na 11:00 ng umaga, at dadalhin sa Cebu Metropolitan Cathedral.

Pangungunahan naman ni Cebu Archbishop Jose Palma ang welcome mass, na susundan ng veneration para sa mga deboto ni Padre Pio.

Paliwanag ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio, kabilang sa hihilingin nila kay Padre Pio ang pagkakaroon ng kapayapaan at pagwawakas ng karahasan at patayan sa bansa.

Bukod sa pagbibigay galang sa “incorrupt heart” ni St. Padre Pio, magkakaroon din ng vigil at katesismo para sa mga deboto.

Inaasahang mananatili sa Cebu ang heart relic hanggang sa Oktubre 14.