Survey, survey

Filed under PAGTANAW AT PANANAW Balita RSS RSS Feed

KUNG naniniwala kayo sa surveys, kakaunti ang mga Pilipino na umaasang bubuti ang kalagayan nila sa buhay sa susunod na 12 buwan o sa 2019. Batay sa Social Weather Stations (SWS) survey noong Setyembre 15-23, lumilitaw na 36% ng adult Filipinos ang umaasang bubuti ang kanilang buhay sa loob ng 12 buwan (optimists) samantalang 9% ang nagsabing lalo silang maghihirap (pessimists) kung kaya ang net personal optimists score ay +27%. Mababa ito sa dating +44% nitong Hunyo.

Ibinunyag at tinukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kolehiyo at unibersidad na umano’y tinatangka ng Communist Party of the Philippines (CPP) na ma-brainwash at ma-incite ang mga estudyante na magrebelde laban sa Duterte administration sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga film na nagpapakita sa madilim na mga taon ng martial law sa ilalim ng Marcos dictatorship.

Ayon kay AFP Assistant chief of staff for operations Brig. Gen. Antonio Parlade Jr., pinaiigting ng CPP ni Joma Sison ang pagre-recruit ng mga mag-aaral sa kolehiyo at maging sa high schools upang sumama sila sa mga protesta para sa Red October plot na ang layunin ay ibagsak si President Rodrigo Roa Duterte.

Tinukoy ni Parlade ang mga paaralan na target ng CPP: University of the Philippines-Diliman; UP-Manila; Polytechnic University of the Philippines; Ateneo de Manila University; De La Salle University; University of Santo Tomas; Adamson University; Far Eastern University; University of the East-Caloocan; University of the East-Recto; San Beda University; Emilio Aguinaldo College; Lyceum of the Philippines University; University of Makati; Caloocan City College; University of Manila; at Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology.

Higit na mapanganib kapag ang mga estudyante ay nagkaisa at nagrebelde laban sa gobyerno. Ito ang tinatawag na “Student Power.” Isa ito sa nagpabagsak kay Indonesian Pres. Suharto noon na matagal na namalagi sa puwesto.

Bukod sa AFP na naglinis sa Liberal Party at Magdalo Group ni Sen. Antonio Trillanes IV na hindi kasangkot sa Red October plot o planong pabagsakin si PRRD, nilinis din ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni DILG chief Eduardo Ano ang Liberal Party (LP) at Magdalo sa balak na pagpapatalsik kay PDu30 ngayong Oktubre.

Taliwas ito sa pahayag at sapantaha ni Pres. Rody na may sabwatan ang kilusang komunista (CPP), LP, at Magdalo Group upang siya’y mapalayas sa Malacañang. Gayunman, naniniwala ang Palasyo na buo pa rin ang suporta at pagtitiwala ng AFP at Philippine National Police (PNP) saPangulo. Saan kaya hahantong ang Pulang Oktubre (Red October)?

-Bert de Guzman