‘Rock & Roll’ sa pagpasok ng ‘Third Telco’

Filed under IMBESTIGADaVe Balita RSS RSS Feed

MAHILIG ako sa gadget at musika, at kapag ito ang pinag-uusapan siguradong kasama ako sa paandaran at magtatagal ang usapan lalo pa’t ang takbo ng yabangan ay tungkol sa makabagong smart phones at mga klasikong Pinoy Rock & Roll.

Kaya siguro maging sa pagsusulat ko ng kolum na ito, ‘di ko mapigilan ang aking sarili na makisawsaw sa ingay na ito – ang pagiging epektibo ng mga smart phone sa bilis ng mga “internet provider” at ang bagong pakulo ng LODI ko sa Pinoy Rock & Roll na si Ramon “RJ” Jacinto – na mainit na pinag-uusapan at pinagtatalunan ng aking mga kabagang sa industriya ng telecommunication.

Ganito ang takbo ng usapan – bibilis na raw ang serbisyo ng ating mga internet provider kapag pumasok na sa merkado ang THIRD TELCO na may sumasang-ayon at mayroon ding kumokontra. Maraming negosyante at may ilan pa ngang pulitiko ang nakikisakay sa proyektong ito na bilyones ang pinag-uusapang puhunan at siyempre, ng kikitain din. Kabilang dito si Gov. Chavit Singson na sumali na rin sa mga nakikipagbrasuhan upang maging THIRD TELCO sa bansa.

Eh paano naman napasok si LODI RJ sa usapan? Kasi raw ay “inuuga” (rocked) ni LODI RJ ang pagpasok ng THIRD TELCO sa pamamagitan nang pagpipilit nitong dalawang kumpanya lamang na tower builder ang dapat na pumasok sa kontrata ng bagong pasok na service provider.

Hindi naman sa nakikialam si LODI RJ – tila ginagamit niya lamang ang kanyang impluwensiya sa posisyong hawak niya – ang pagiging Presidential Adviser for Economic Affairs and Information Technology Communication – na halos kasing impluwensiya na rin, yata o mas pa, ng mga pinuno ng Department of Information Communication & Technology (DICT).

Nagpalabas kasi si LODI ng “draft” ng panukalang nagtatakda na dapat ay dalawa lamang ang kumpanyang papayagang magtayo ng mga tower na kakailanganin ng mga “telco player” sa buong bansa, na agad pinagtaasan ng kilay ng mga negosyanteng dumalo sa “public consultation” na ginawa kamakailan lang sa mismong tanggapan ng DICT.

Personal na itinutulak ni LODI ang panukala niyang ito na may kasama pang pangangantiyaw na kapag sumobra sa dalawa ang magiging “tower provider” ng papasok na THIRD TELCO ay paniguradong magiging “rowdy” at “non-viable” pa ang mga ito sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.

Umani agad — hindi nang masigabong palakpakan – kundi ng kantiyaw, pag-boo at pa-simpleng pagmumura ang panukalang ito ni LODI na binansagan ng mga oras na iyon na “DUOPOLY ni RJ”.

Sa panghihimasok niyang ito, naparatangan tuloy si LODI na parang gusto niyang magtayo ng negosyong kokontrol sa pagtatayo ng kakailanganing 50 cellsites sa buong bansa ng magiging Third Telco.

Ang puna ng mga eksperto sa larangang ito – mas lalo raw malulugmok sa putikan ang industriya ng internet connectivity sa bansa kapag ipinatupad ang limitasyong ito na ipinipilit ni LODI.

Batay sa record ng DICT, ang magkasamang bilang ng “cell tower deployment” ng PLDT/SMART at GLOBE Telecom ay abot lamang sa 17,000 cellsites, na kapag ikukumpara sa kapit-bansa natin na gaya ng Vietnam na may 70,000 at Indonesia na may 90,000 ay lalabas na matagal na pala tayong natutulog sa pansitan at napag-iwanan kapag telecommunication ang pag-uusapan.

Walang kibo naman sa kontrabersiyang ito si DICT Secretary Eliseo del Rio, at ang medyo may laman na binitiwan niyang mga salita ay sa dulo ng lahat ng usapan at pagtatalo – siya pa rin naman ang pipirma sa “circular” at hindi si LODI RJ na kapag Pinoy ROCK & ROLL ang pag-uusapan ay siguradong number one!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@yahoo.com

-Dave M. Veridiano, E.E.