Pag-asam para sa kawanggawa

Filed under SENTIDO KOMUN Balita RSS RSS Feed

WALANG hindi naghahangad na palarin sa alinmang Lotto draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kahit na ito ay balik-taya lamang. At lalong walang hindi nangangarap na maging kauna-unahang PCSO billionaire sa Ultra lotto jackpot na umaabot na sa isang bilyong piso; habang isinusulat ito, ay kabilang ako sa mga umaasa na masungkit na ang nakalululang premyo sa naturang lotto draw na nakatakdang bolahin kagabi, Martes. Kung walang bubuwenasin sa atin, natitiyak ko na tayo ay magiging bahagi na naman ng halos walang katapusang pagpila upang magbakasakaling matsambahan ang mailap na kapalaran.

Totoong masyadong maliit ang ating pag-asang manalo o chance of winning, wika nga, lalo na nga kung isasaalang-alang ang nakalululang premyo sa lotto draw: Sinasabi na milyun-milyon ang tinatawag na probability ratio sa kasalukuyang sistema ng bolahan sa ating bansa, at maging sa iba pang lugar na tulad ng United States of America. Subalit naniniwala ako na may mga nagwawagi.

May mga pagkakataon na lumutang ang mga haka-haka na ang lotto draw — o maging ang iba pang loterya — ay may mga salamangka: May kaakibat na pandaraya. Ang ganitong mga sapantaha ay pinasisinungalingan, sa aking paniwala, ng makabagong mga aparato sa bolahan na halos hindi nasasalang ng sinuman. Bagama’t wala akong tuwirang kaalaman sa operasyon ng PCSO, natitiyak ko na hindi maaatim ng pamunuan ng naturang ahensiya na linlangin ang sambayanan. Matindi ang pagkondena ng kasalukuyang administrasyon sa anumang anyo ng pandaraya at katiwalian.

Bigla kong naalala ang ganitong mga sapantaha noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Upang tiyakin sa mga mamamayan na walang kaakibat na kabulastugan ang lotto draw, personal siyang nagtungo sa PCSO noong ito ay nasa Quezon Institute compound pa; sama-sama kaming bumili ng lotto ticket, isang okasyon na hindi lamang nalathala sa mga peryodiko kundi napanood pa sa telebisyon. Kahit paano, napawi ang mga pag-aalinlangan sa bolahan ng lotto at maging ng sweepstakes.

Batay sa mga karanasan, hindi nakapanghihinayang ang pagtangkilik sa PCSO lotto draw. Sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan, at maging nang nakalipas na mga administrasyon, malaking bahagi ng kinikita ng naturang ahensiya ay inilalaan sa mga kawanggawa — sa mahihirap, sa mga may karamdaman, at iba pang nangangailangan. Malaki ring pondo ang inilalaan sa pamamahagi ng mga ambulansya sa mga ospital at medical centers. Hindi ko makaligtaan na maging ang aming baranggay sa Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija ay pinagkalooban ng isang ambulansya na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng taumbayan.

Kung tayo ay hindi man palarin sa PCSO lotto draw, isipin na lamang natin na ang ating pag-asam ay para sa kawanggawa.

-Celo Lagmay