Elites, asam muling makauna

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:30 n.h. — NLEX vs Phoenix

7:00 n.g. — Blackwater vs Magnolia

MAKASALO ang Barangay Ginebra sa pamumuno ang tatangkain ng Blackwater sa kanilang pagsabak kontra Magnolia sa tampok na laro ngayong gabi ng 2018 PBA Governor’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Magkasunod sa ikalawa at ikatlong posisyon ang Elite at ang Hotshots sa likuran ng Kings (7-1) taglay ang barahang 6-1 at 5-1, ayon sa pagkakasunod.

Muli namang susuong ang Elite na unti-unti ng nakukuha ang respeto ng ibang teams na kinikilala na sila ngayon bilang isa sa lehitimong contender, sa matinding pagsubok sa pagsagupa nila sa isa sa mga paboritong Hotshots.

Bahagyang nakapahinga matapos ang apat na sunod na laro sa loob ng 10 araw na natapos noong Oktubre 3, tatangkain ng Hotshots na dugtungan ang naiposteng 3-game winning streak upang mas makadikit sa nangungunang Kings.

Aantabayanan din ang matinding tapatan ng kani-kanilang mga imports na sina Henry Walker ng Elite at Romeo Travis ng Hotshots na tiyak namang aasa ng kaukulang suporta mula sa kanilang mga pangunahing locals.

Mauuna rito, magtatangka ang Phoenix (5-2) na patatagin ang kapit sa ika-4 na posisyon sa pagsagupa sa nakabuntot sa kanilang NLEX (4-3).

-Marivic Awitan