Ang makabagong konsepto ng retail

Filed under PANANAW NI MANNY V Balita RSS RSS Feed

MAY pasilip ang Amazon Go Stores at ang Hema Supermarkets ng Alibaba sa magiging konsepto ng retail sa hinaharap. Hindi na masasabing malayong hinaharap ito, dahil ito na nga ang bagong mukha ng pagtitingi ngayon.

Ang Amazon Go ay gaya ng iba pang modernong retail stores, bagamat hindi ito tulad ng ibang retail store. Walang kahera, walang cash register, na nangangahulugan na wala ring mahabang pila ng mga namili. Daan-daang camera, mga sopistikadong sensors at artificial intelligence technology ang nagpapahintulot sa mga mamimili na pumasok sa establisimyento, maglibot, mamili, saka umalis.

Kailangan lang mag-download ng app at mag-sign in sa Amazon bago pumasok. Masyadong makabago ang teknolohiyang ito kaya alam ng store kung aling mga produkto ang kinuha ng customer mula sa tindahan, at awtomatiko na itong sisingilin sa account ng mamimili. Mayroon pa itong weight sensors upang matukoy sakaling nagbago ng isip ang customer at ibinalik ang kinuhang produkto.

At kapag tapos nang mamili, basta na lang aalis sa establisimyento ang customer, nang hindi nag-aalala sa pag-eeskandalo ng mga security detectors na maaaring magpahiya sa mamimili. Awtomatiko rin kasi ang checkout kapag na-“sensed” na umalis na sa establisimyento ang customer. Babawasin naman sa credit card ang pinamili, at magpapadala ng resibo ang app tungkol sa detalye ng mga pinamili. Gaya ng naranasan ni CNN Business writer Matt McFarland, ipinadadala rin ng app ang iba pang datos, gaya ng kung gaano katagal namili ang customer sa loob ng establisimyento (mababasa ang artikulo sa https://edition.cnn.com/2018/10/03/tech/amazon-go/index.html).

Pagsapit ng 2021, napaulat na plano ng Amazon na magbukas ng 3,000 Go Stores. Ang mga futuristic stores na ito ay kapareho ng nakita ko nang bumisita ako sa China sa unang bahagi ng taong ito, at personal kong naranasan ang tinatawag ni Alibaba founder at Chairman Jack Ma na “new retail”. Nangunguna ang Alibaba sa paglikha ng modernong tindahan sa hinaharap, subalit kasabay nito ay nagpapakita ng pag-unawa sa mga gawain at ugali ng tao.

Sa halip na biglain ang mga tao sa makabago at hindi pamilyar na teknolohiya, pinagsama ng Alibaba, sa pamamagitan ng Hema Supermarket chain nito, ang teknolohiya ng online shopping at ang tradisyunal na paraan ng pamimili.

Bagamat patok at palasak na ngayon sa mundo ang pamimili online, mayroon pa ring mga lugar sa Asia—gaya ng Pilipinas—na hindi masyadong tumatangkilik dito. Isa sa mga dahilan ay ang katotohanang nahihirapan ang mga tao na basta na lang talikuran o baguhin ang kanilang mga nakaugalian para lang sa online shopping, na bunsod ng makabagong teknolohiya. Isa pang usapin ang katotohanan na maliit na bahagi lang ng ating populasyon ang mayroong credit cards.

Bagamat kadalasang inirereklamo ng mga Pilipino, sa totoo lang ay pinakaaabangan ng marami sa atin ang saya ng Christmas shopping. Ang mismong pagpunta sa mga tindahan, pagpili ng mga produktong bibilhin, partikular ang mga pangregalo para sa ating mga mahal sa buhay, ay isa nang taunang tradisyon. Kahit pa matindi ang nakakainit ng ulo na traffic, pagod at ang napakahabang pila ng mga mamimili.

Sa Hema Supermarkets ng Alibaba, ang lahat ng produkto ay may QR code na maaaring i-scan gamit ang app ng kumpanya, kung saan makikita ng customer ang lahat ng mahahalagang impormasyon tungkol sa bibilhin—kung saan nagmula ang produkto, ang mga reviews tungkol dito, mga recipe, at iba pang kaugnay na produkto na maaaring maging interesado rin ang customer. Maitutulad ito sa online shopping habang nasa loob ng isang tindahan.

Ito ang makabagong pamimili. Ang pagsasama ng pisikal na pamimili sa loob ng isang tindahan at ng sopistikadong teknolohiya upang maging mas kumbinyente ang pamimili. Handa na ba ang Pilipinas sa makabagong retail na gaya nito? Marahil hindi pa sa ngayon.

Ang pamimili online ay unti-unti pa lang nakikilala sa retail industry. Mas gugustuhin pa rin ng mga Pinoy na pumasok sa loob ng mga tindahan, maglibot upang aktuwal na makita at mahawakan ang mga produkto, magtanong sa empleyado ng establisimyento, at iabot ang pera sa kahera kapalit ng pinamili. Halimbawa, hindi marahil kuntento ang mga namimili ng pagkain na basta na lang pumili ng bibilhin nang hindi aktuwal na iniinspeksiyon ang pagkaing bibilihin.

Subalit mahalaga ring maunawaan kung paano nagbabago ang paraan ng pamimili sa iba’t ibang panig ng mundo. Natutuwa ako na isipin kung paanong binabago ng teknolohiya ang mga negosyo at ang mismong buhay natin, sa kabuuan. Maaaring matatagalan pa, subalit naniniwala ako na mararanasan na rin dito sa Pilipinas ang makabagong pamimili, at dapat lang na maging handa tayo.

-Manny Villar