‘Three-peat’ sa UST beach spikers

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

KINUMPLETO nina Sisi Rondina at Babylove Barbon ang makasaysayang kampanya ng University of Santo Tomas nang gapiin ang tambalan nina Michelle Morente at Tin Tiamzon ng La Salle, 21-7, 21-16, para makamit ng ‘three-peat’ sa UAAP Season 81 beach volleyball championship kahapon sa Sands SM By The Bay.

Liyamado sa pagsisimula nang serye, pinatunayan ng UST ang katatagan tungo sa pagangkin ng ika-19 sunod na panalo – bagong marka sa liga – mula pa noong Season 79.

Naisalba ng Tigresses ang matikas na hamon ng La Salle Spikers sa second set para maitakas ang 21-12, 21-19 sa Game 1 ng kanilang best-of-three title series.

Naituloyng UST ang double celebration nang gapiin nina Krung Arbasto at Jaron Requinton ang karibal na sina Jude Garcia at Richard Solis ng Far Eastern University sa Game 2 tungo sa 21-13, 22-24, 15-10 panalo.

Naunang naitala ng Growling Tigers ang 21-14, 21-16 panalo sa opening match ng kanilang best-of-three series,

“For you to prove yourself na kaya mo, why not?,” saimbit ni Rondina, tinanghal na MVP sa ikaapat na pagkakataon, “Nag-start ako ng first year parang alam ko sa sarili ko na wala pang napapatunayan kasi ganito lang, maliit lang ako. Pero the time na nananalo kami, puwede pala. Bonus na itong MVP. Ang goal ko lang talaga manalo at makapagbigay para sa UST.”

Inialay naman ni Arbasto ang panalo sa dating katandem na si KR Guzman, nabigong makakuha ng kampeonato sa kanyang final year, matapos magwagi ang Nu Bulldogs sa nakalipas na season.

“Wala akong iniisip na maibawi ang championship para kay KR. Ang saya ko lang kasi graduating ako at lalabas ako ng UST na naibalik ang korona para sa kanila,” sambit ni Arbasto.

Ang kampeonato ang pang-apat para sa Tigers kasunod ng nauna nilang tatlo noong Seasons 71, 72 at 79. Nauna ng ginulat ng UST ang FEU, na awtomatikong umusad ng Finals sa bisa ng elimination round sweep nang pataubin nila ang huli sa series opener, 21-14, 21-16.

Dumaan pa ng stepladder semifinals ang Tigers kung saan nila pinatalsik ang dating kampeong National University Bulldogs tandem nina Bryan Bagunas at James Natividad upang makausad ng finals.

-Marivic Awitan