Heart relic ni St. Padre Pio parating na dito sa Pilipinas

Filed under Features Balita RSS RSS Feed

Ngayong gabi darating sa ating bansa ang heart relic ni St. Padre Pio, ang kanyang puso na sa halos ilang dekada ay buo at wala pa ring bahid ng kahit anong pagkaluma. Magtatagal ang kanyang relic dito sa Pilipinas hanggang Oktubre 26, na sinasabing ang pinakamatagal na pananatili ng puso ni Padre Pio sa isang bansa.

Ipinanganak si Padre Pio noong May 25, 1887 sa Italy. Binansagan siyang Mystic at Stigmatist ng Simbahang Katoliko dahil sa mga kakaibang katangiang taglay niya na nakapagpapagaling ng taong may sakit at nakagagawa ng iba pang milagro. Nagtamo din siya ng mga marka sa katawan tulad ng kay Kristo noong ito’y ipinako sa krus (stigmata) at walang eksperto ang makapagpaliwanag kung paano ito nangyari. Siya ay na-canonized noong June 16, 2002 ni Pope John Paul II.

Maraming Pilipino ang nakaranas ng milagro ni St. Padre Pio tulad na lamang ng isang babaeng may scoliosis na biglang gumaling matapos mahawakan ang relic gloves ni Padre Pio at gamitin ang holy oil nito sa kanyang katawan. Karamihan sa ibang natulungan ni Padre Pio ay sa pamamagitan lamang ng pagsulat ng liham sa kanya noong siya’y nabubuhay pa, tulad ng ginawa ng isang binata na gustong makapasa sa bar exams. Sinagot ni Padre Pio ang kanyang liham at makalipas ng ilang buwan ay naging isa sa 17% na nakapasa ang binta noong taon na iyon.

Isa sa mga unang Pilipino na nakaranas ng milagro ni Padre Pio ay isang babae na may brain tumor. Sinabihan siya ng mga doctor sa Pilipinas at Amerika na malala na ang kanyang sakit pero di siya nawalan ng pag-asa at nagpunta kay Padre Pio. Sa dami ng tao na gustong makalapit kay Padre Pio ay maliit ang tsansa niya na malapitan ito pero sa gitna ng napakaraming tao ay nakita siya ni Padre Pio at pinalapit siya nito sa kanya. Makalipas ang ilang buwan matapos niyang makausap si Padre Pio ay unti-unting tumubo ang kanyang buhok at tuluyan nang nawala ang kanyang tumor.

Marami pang milagrong nagawa si Padre Pio sa mga Pilipino, sakit man ito o simpleng problema. Ilan sa mga testimonya ng mga Pilipino ay maaring mabasa sa saintpiocenter.com, isang website tungkol kay St. Padre Pio at para sa mga taong patuloy na naniniwala at nagdadasal sa kanya.

Espesyal ang pagdating ng heart relic dito sa Pilipinas dahil ngayong taon ang centennial ng pagkakaroon ng stigmata ni Padre Pio (Sept. 20) at ang kanyang 50th death anniversary (Sept. 23).

Narito ang magiging schedule ng relic ni Padre Pio:

October 5
Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (gabi)
– Motorcade papunta sa shrine
– Welcome liturgy at Holy Mass

October 6-7
-National Shrine of Saint Padre Pio, Santo Tomas, Batangas
– Concelebrated Mass ng 9 am
– Veneration at Confession

October 8-10
-Manila Cathedral

October 11-13
-Cebu Cathedral

October 14-16
-Davao Cathedral

October 17
-Lipa Cathedral

October 18-26
-National Shrine of Saint Padre Pio, Santo Tomas, Batangas
– Concelebrated Mass ng 9 am (araw-araw)
– Veneration at Confession

October 26
– Concelebrated Mass ng 9 am
– Farewell liturgy
– Departure at motorcade papuntang NAIA

 

-Ni Angelli Catan