Creamline, pinagaspang ng Petro Gazz

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

GINULANTANG ng Petro Gazz ang Reinforced Conference champions Creamline, makaraang pataubin ang huli, 27-25, 17-25, 25-23, 19-25, 15-5, nitong Sabado sa PVL Open Conference sa Imus City Sports Center sa Cavite.

Habang tinatayang kontrolado na ng Cool Smashers ang decider matapos magtala ng 4-0 kalamangan sanhi ng matutulis na service ni Risa Sato, bigla namang nabuhayan ang Angels sa pamamagitan ng mga float serves ni Alyssa Layug at nagtala ng pitong sunod na puntos.

Mula doon, isang beses na lamang nakaiskor ang Cool Smashers habang tuluyang inangkin ng Petro Gazz ang panalo. Kapwa nagtapos sina Jonah Sabete at Cherry Nunag na may 13 puntos upang pamunuan ang unang panalo ng Angels.

“Mas may experience yata kami this time around kasi ‘di ba may mga late game loses kami, so mahabang usap, mahabang plano and stick tayo sa plano natin and ayun nadaan naman sa usap,” wika ni Petro Gazz head coach Jerry Yee. “Diyan tayo natatalo, ‘yung composure nawawala, so ‘yung mga basic errors natin. So nag-timeout ako to remind them na composure lang buti nag-stick (sa plan) ‘yung mga bata,” dagdag nito.

Nawalan ng saysay ang itinalang game high na 26 puntos ni Alyssa Valdez dahil bigo itong isalba sa pagkatalo ang Creamline.

-Marivic Awitan