2 sundalo dedo sa highway tragedy

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang dalawang sundalo habang isa pang kasamahan ng mga ito ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang isang dump truck sa Arakan, North Cotabato, kahapon.

Sa report ng Arakan Municipal Police Station, tumanggi muna ang militar na ibunyag ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi dahil hindi pa naipapaalam sa kanilang pamilya ang insidente.

Gayuman, kinumpirma ng pulisya na parehong tauhan ng 19th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang mga ito.

Inihayag ni Supt Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Provincial Police Office, ang dalawang sundalo ay sakay ng isang dumptruck na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Arakan matapos silang manggaling sa Bgy. Dallag, Basiao, kasama ang mga bagong miyembro ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at pabalik na sa kanilang kampo nang maganap ang insidente.

Iniwasan umano ng dump truck ang nakasalubong na isang motorsiklo sa Sitio Meocan, Arakan, ngunit hindi na nakontrol ng driver ang sasakyan hanggang sa tuluyang bumulusok sa 80 talampakang bangin.

-Fer Taboy