Aktor, nangangamote pa rin ang acting

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

AWARE kaya ang kilalang aktor na hindi bilib sa acting niya ang mismong staff niya dahil wala raw pagbabago simula noong nagsimula siya?

Parang hindi naman kami naniniwala dahil ang dami ng pelikula ng aktor at sa katunayan ay nakatanggap na siya ng Best Actor award.

Pero ang matapang na sabi sa amin ng taong konektado sa aktor, “Best Actor Award? Sino ba ang nagbigay sa kanya? Hindi ba mga aka-tsika rin niya? Na-nominate na ba siya sa ibang bansa? Waley pa di ba? Unlike ‘yung ibang artists na talagang napapansin. Daig pa nga siya ng baguhang aktor, eh.”

Humirit pa rin kami na may improvement na naman kahit kaunti kumpara sa mga naunang pelikula niya.

“Ang alam namin, nagbabago ang itsura niya kasi nagka-edad na, pero ‘yung acting, sige may nabago, pero ganu’n pa rin ang atake niya. Masyado siyang stiff, parang hindi siya puwedeng mabali, laging seryoso,” kuwento ng kausap namin.

E, baka kasi iyon lang ang laging ibinibigay na papel sa aktor kaya iyon din naman ang ginagampanan niya.

“Kasi nga tumatanggi siya sa ibang karakter, gusto niya laging seryoso, ayaw niyang maging luko-luko, rapist, adik. Gusto niya laging good boy kasi ito raw talaga ang karakter niya. Puwedeng bad konti na naging good o may redemption,” paliwanag sa amin.

Sinasabihan din daw ng manager niya ang kilalang aktor na sumubok ng ibang karakter pero umaayaw daw.

Pero maski na walang improvement sa acting niya ang aktor ay marami naman siyang projects.

“E, kasi marami namang supporters ang lolo mo at maraming reporters na gusto siya,” diretsahang sagot sa amin.

Sabay tanong, “Ikaw gusto mo ba siya?”

Kaloka! Na-on-the-spot kami kaya smile na lang sagot namin dahil ayaw naming magsinungaling.

-Reggee Bonoan