Erich, kinuha ni Kris bilang endorser

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

KINUHA rin palang endorser ng Snail White products si Erich Gonzales, kaya dalawa na sila ni Kris Aquino na endorser ng nasabing produkto.

Erich

Sa Instagram post kasi ng aktres ay may hawak siyang moisture cream mula sa nasabing brand. Caption niya: “You asked for it and here it is! @snailwhitephils moisture facial cream is coming to you real soon! Follow @snailwhitephils on FB and IG for more exciting announcements!

#SnailWhitePh #UnlockBeauty.”

Si Kris na kasi ang official distributor ng nasabing produkto sa Pilipinas, at ang pangalan ng kumpanyang nagdi-distribute rito ay DDD KCA (Kris Cojuangco Aquino).

Kung tama ang research namin ay limang taon na sa merkado ang Snail White products mula sa Thailand, at nang nasubukang gamitin ito ni Kris nang pumunta siya sa nasabing bansa para sa business trip ay nagustuhan niya ito, kaya talagang ipinahanap niya kung sino ang may-ari at saka sila nag-usap tungkol sa distribution sa Pilipinas ng nasabing mga produkto.

Walang Snail White products sa Pilipinas, kaya nakipagnegosasyon ang Queen of Online World and Social Media na siya na ang maging sole distributor ng produkto sa bansa.

At sa pagtatanong namin ay nalaman naming si Kris din ang dahilan kaya kinuha si Erich bilang bagong endorser ng nasabing moisture cream.

Going back to Erich, hindi niya sinabi kung saang bansa siya naroon, pero sa ipinost niyang litrato ay makikita siyang nakangiti at ‘tila nasa footbridge, habang tanaw ang dagat sa hindi kalayuan.

Ang caption ni Erich: “Twenty-Eight.” Pawang pagbati naman ng happy birthday ang komento sa nasabing post, na mayroon nang 1,080 comments at 88,500 likes.

Unang naibalita na nakuhanan ng litrato si Erich habang nasa airport kasama ang sinasabing boyfriend niya na si Matteo Lorenzo. Mukhang sa ibang bansa nag-celebrate ng kanyang kaarawan ang aktres, kasama ang rumoured BF niya.

-REGGEE BONOAN