Mga unibersidad sa Maynila, binubulabog ng bomb threats

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Ilang unibersidad sa Maynila ang ilang araw nang pineperhuwisyo ng mga bomb threat na ipinadala sa pamamagitan ng text message, ayon sa Manila Police District (MPD).

Ayon kay Chief Insp. Arnold Santos, ng Explosive and Ordnance Division ng MPD, magkakasunod na nakatanggap ng bomb threat ang Mapua Institute of Technology, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), Colegio de San Juan de Letran, at Lyceum of the Philippines University (LPU), pawang nasa Intramuros, bandang 4:00 ng hapon nitong Huwebes.

Bandang 7:20 ng umaga kahapon nang makatanggap din ng bomb threat ang FEU Institute of Technology.

Nagnegatibo naman sa pampasabog ang Mapua, Lyceum, Letran, at PLM sa paneling operation ng MPD-EOD, bandang 6:30 ng gabi nitong Huwebes.

Negative rin ang kaparehong banta sa FEU kahapon.

“‘ Yan lang ‘yung taong walang magawa sa buhay,” sabi ni Chief Insp. Santos, tinukoy ang mga nagpadala ng text message ng bomb threat.

Martes ng gabi nang suspendihin ng Mapua ang klase at trabaho sa unibersidad makaraang makatanggap ng bomb threat. Nakatanggap din ng parehong banta ang University of Santo Tomas (UST) nitong Miyerkules ng umaga.

Kapwa negatibo rin sa pampasabog ang dalawang unibersidad.

-ERMA R. EDERA