Carlo, ayaw sabihing ginagamit si Angelica

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SA launching ng Beautefy by Beautederm sa Alimall Cubao, Quezon City nitong Linggo ay natanong namin si Carlo Aquino tungkol sa kumalat na litrato sa social media nang dumalaw siya sa bahay nina Angelica Panganiban kasama ang tatay at nanay niya, at ipinaghanda pa sila ng pagkain ng aktres.

Angelica at Carlo copy

“Galing akong Bangkok (Thailand) nagpasundo ako sa parents ko (sa airport). Eh kukuhanin ko rin ‘yung pusa (ko) dahil siya (Angelica) ‘yung nagbantay habang wala ako.

“E, sina Mommy kasi ang tagal na ring hindi nakikita si Angge (tawag kay Angelica). Gusto nilang makita pati ‘yung bahay. So, para hindi na ‘ko ihatid sila sa bahay tapos babalik ako kay Angge, isinabay ko na,” kaswal na kuwento ng aktor.

Unang beses pa lang makapunta ng mga magulang ni Carlo sa bahay ng Playhouse lead actress.

“Oo, first time nila. Natuwa naman sila (magulang), tapos nag-catch up sila. Nilibot ni Angge sila sa bahay niya. Mas close si Mommy kay Angge kaysa kay Dad, so kuwentuhan lang sila, kumustahan,” kuwento ng ex-boyfriend ni Angelica.

Sa lahat ng nakarelasyon ni Carlo, kay Angelica ba pinaka-close ang mga magulang niya? “Oo, kung kasama ‘yung pinakahuli (Kristine Nieto)? Hindi, close rin naman sila, siyempre.”

Ano bang mayroon sa pusang pinabantayan ni Carlo kay Angelica?“Halos sabay naming kinuha ‘yung pusang ‘yun. Kumbaga siya ‘yung malapit, siya ‘yung madadaanan ko ‘pag pauwi. Kanino ko pa ba ipagkakatiwala, ‘di ba? Saka marunong siya talagang mag-alaga.”

Inamin ng aktor na noong sila pa ng aktres ay may alaga silang asong Shih Tzu.

“Hindi ko na tanda kung ako ang nagbigay kay Fruitcake o Fruitshake ang pangalan.”

Dahil sa nasabing photo ng pagpunta ng pamilya niya sa bahay ni Angelica ay umugong na naman ang mga komento ng netizens na sana ay sila na lang uli ni Angelica, o magbalikan sila.

“May mga tao lang siguro na sa kagustuhang magkabalikan kami na natural lang naman ang ginagawa naming, at magkaibigan naman talaga ang mga parents namin, ang parents ko, ang Mama niya.”

Kapag magkasama na ang dalawa ay hindi nila napag-uusapan ang gusto ng lahat na magbalikan sila.

“Hindi namin napag-uusapan. Maski mga kaibigan namin tinutukso kami. Wala kaming reaksiyon, nae-enjoy lang namin.

“Ang pangit kasi, ‘di ba? Isasabay mo sa pelikula (Exes Baggage). Mas may masasabi ang tao, dahil lahat ng gagawin namin ay napapansin kasi iisipin nila promo lang. Ayaw kong isabay!” ito ang klarong sabi ni Carlo.

Eh ano ang mga mangyayari sakaling naipalabas na ang pelikula nila ni Angelica?

“Ha, ha, ha! Tingnan na lang natin. ‘Yun lang ‘yung ayoko, na sasabihin ng mga tao na ginagamit ko siya o ginagamit ko ‘yung pelikula para magkaroon ako ng pangalan ulit. ‘Yun ang nakakasama ng loob na ever since naman genuine ako sa kanya, na nagke-care talaga ako na kahit may boyfriend siya at may girlfriend ako noon, nagte-text ako sa kanya na hindi naputol ang communication namin, na ngayon lang nalalaman dahil ito nga may pelikula kami.”

Samantala, sa nakaraang panayam kay Angelica sa Tonight with Boy Abunda ay nabanggit ni Angelica na mas matampuhin daw si Carlo kaysa sa leading man niya sa Playhouse na si Zanjoe Marudo.

Sinabi kasi ni Angelica na mas husband material daw si Zanjoe kaysa kay Carlo, kaya tinext siya ng huli: “Ah matampuhin pala ako, ha. O hayan nagtatampo na ako.”

Tinanong namin si Carlo kung totoo bang nagtampo siya.

“Hindi naman, pa-cute lang. Ang sarap kasi ng ganun,” tumawang sabi ng binata.

Ano ang dating kay Carlo nang biniro ni Zanjoe si Angelica na sana ay sila na lang ang magkarelasyon.

“Ha, ha, ha! Ewan ko sa kanila. Papanoorin ko pa (sa YouTube ‘yung interview). I’ll get back to you on that,” birong sabi ni Carlo.

Nasa Playhouse rin nga pala si Carlo bilang ex ni Angelica.

“Parang guest lang ako ng dalawang linggo. Sisingit lang ako sa buhay nila, ala-Ninja lang.

“Nu’ng i-alok sa akin nina Miss Ginny (Monteagudo-Ocampo) ang tanong ko kaagad kung okay lang ba kay Zanjoe. Siyempre sa kanya ‘yun (show). Magkaibigan din naman kami ni Z, magkasama kami sa Anna Liza, siyempre respeto na rin.

“(As of now), hindi pa kami nagkakaeksena ni Z, isang beses pa lang akong nag-taping. Maganda ‘yung pag-introduce ng character ko, natutuwa ako,” kuwento ni Carlo.

-Reggee Bonoan