Bashers, blocked at delete kay Bea

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

BLOCKED at delete ang ginagawa ni Bea Binene sa mga basher na pumapasok sa kanyang Twitter at Instagram accounts. Lalo na ‘yung makukulit na ayaw maniwalang hindi si Alden Richards ang boyfriend niya na nagpapadala sa kanya ng flowers every ninth day of the month.

Bea Binene copy

Ang nasabing petsa ang monthsary ni Bea at ng kanyang hindi pa rin pinapangalanang boyfriend, na tuwing nagpapadala ng flowers ay ipino-post ng aktres ay pinasasalamatan.

Dahil hanggang ngayon ay hindi pa ipinakikita ni Bea ang mukha ng nobyo, o pangalanan man lang ito, inakala ng bashers na si Alden ang mystery guy.

Nang makausap si Bea sa taping ng morning series ng GMA-7 na Kapag Nahati ang Puso, na isa siya sa mga bida, muli niyang itinanggi ang sinasabing “relasyon” nila ni Alden, at iginiit na kaibigan lang niya ang aktor.

Sa rami na nang na-block at dinelete ni Bea, may mga naiwan pa ring bashers niya, at pati kami natatawa sa kanila.

Sabi kasi ng isang basher, sustentado ni Alden si Bea at ang pamilya ng aktres. Sa sobrang yaman daw ni Alden ay hindi na kailangang magtrabaho ni Bea.

“Nakakatawa si basher, hindi alam na bata pa ako, nagtatrabaho na ako para sa mom at sister ko. Alam n’yo ‘yan, dahil bata pa ako, kilala n’yo na ako. Hindi ko kailangan ang pera ng ibang tao, marunong akong magtrabaho,” sabi ni Bea.

Totoo naman ang sinabi ni Bea. At dahil hindi nga siya kilala ng mga bashers, hindi alam ng mga ito na Chinese ang ama ni Bea at may business ang kanyang ama at kanilang pamilya. Sa kabila nito, hindi umaasa ang aktres sa pera ng ama. Nagtatrabaho siya, napupuyat at napapagod tapos ay aakusahan lang ng hindi maganda.

Anyway, dedma na si Bea sa bashers, dahil masaya at maganda ang kanyang buhay. May morning series pa siya na patuloy na pinapanood, at may bonggang love life pa.

“Natutuwa ako sa feedback ng viewers sa Kapag Nahati ang Puso; ang daming reaction at sa mga sumusubaybay. Mas exciting ang mga darating na episodes dahil alam na ni Claire (Bea) na ampon lang siya at hindi siya anak ni Miranda (Bing Loyzaga). Pero, hindi pa niya alam na si Nico (Zoren Legaspi) ang tunay niyang ama,” kuwento ni Bea.

“Mas magiging cruel kay Claire si Miranda ‘pag nalamang ang kinikilala kong ama ang real dad ko, kaya tuloy lang ang panonood,” pagtatapos pa ni Bea.

-Nitz Miralles