Rayver, si Marian ang gustong unang makatrabaho sa GMA

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

OPISYAL nang ini-report ng GMA Network ang pagbabalik ni Rayver Cruz sa network makalipas ang isang dekada.

Rayver at Marian

Sa report sa 24 Oras, nabanggit ni Rayver na bukas siya sa new challenges na ibibigay sa kanya ng bago niyang network.

Tinanong ni Nelson Canlas kung may kinalaman ba ang kapatid ni Rayver na si Rodjun Cruz at girlfriend na si Janine Gutierrez sa desisyon niyang bumalik sa Kapuso Network?

“Nagkataon lang, pero dati pa bago ko pa nakilala si Janine gusto ko nang… na-excite na ako mag-drama, at [sa] challenging roles,” sagot ni Rayver.

Sa mga Kapuso stars na gustong makatrabaho ni Rayver, una niyang nabanggit si Marian Rivera.

“Dahil napanood ko siya sa Marimar. Gusto ko ring makatrabaho sina Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado, Mark Herras, Rodjun at siyempre si Janine,” pahayag ni Rayver.

Kaya lang, ang balita naming unang show ni Rayver sa GMA-7 ay ang seryeng Mag-asawa, Magkaribal, na makakasama niya sina Kris Bernal at Thea Tolentino. Kabilang din sa cast sina Lotlot de Leon, Ricardo Cepeda, Kevin Santos, Devon Seron, Jean Saburit, at may special role si Jason Abalos, na galing din sa ABS-CBN.

Si Mark dela Cruz ang director ng Mag-asawa, Magkaribal, na kung hindi kami nagkakamali ay papalit sa The Stepdaughters.

-NITZ MIRALLES