Lee Jong-suk, makikipagkulitan sa Pinoy fans sa Nobyembre

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed
Lee Jong-suk,

Lee Jong-suk,

Ni JONATHAN HICAP

BIBISITAHIN ng Korean star na si Lee Jong-suk ang Manila para makita ang kanyang Filipino fans.

Isasagawa ng 28-year-old actor ang kanyang 2018 Lee Jong Suk Fan Meeting Tour Crank Up sa Manila sa Nobyembre 18 sa Araneta Coliseum.

Si Lee Jong-suk ang isa sa mga popular na bituin sa Korea. Nitong nakaraang taon, siya ang itinalagang honorary tourism ambassador ng Korea at tumutulong siya sa promosyon ng naturang bansa.

Nagsimula ang kanyang karera bilang isang runway model at pumasok sa showbiz nang mapasali sa cast ng Prosecutor Princess noong 2010.

Si Lee Jong-suk ang katambal ni Suzy sa TV series na While You Were Sleeping, na umere nitong nakaraang taon, kung saan nagwagi sila ng top excellence at best couple awards. Bumida rin siya sa 2017 movie na V.I.P. kasama si Jang Dong-gun, Kim Myung-min at Park Hee-son.

Para sa 2016 drama na W kasama si Han Hyo-joo, nagwagi siya ng “daesang” (grand prize) at top excellence awards sa MBC Drama Awards.

Bago pumunta sa Manila, sisimulan ni Lee Jong-suk ang kanyang fan meetings sa Japan sa Agosto 17 at 19, sunod ay sa Korea sa Setyembre 1, sa Taiwan sa Setyembre 9, at Thailand sa Setyembre 15. Magkakaroon din siya ng event sa Amerika.