Red Robins, pinatiklop ang Brigadiers

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

UMAKYAT sa ikatlong puwesto buhat sa panglima ang Mapua makaraang padapain ang Emilio Aguinaldo College, 80-79, kahapon sa juniors division ng NCAA Season 94 basketball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nagtala ng 28 puntos si Clint Escamis na sinundan ng 22 puntos ni Dan Arches upang pamunuan ang nasabing tagumpay ng Red Robins.

Dahil sa panalo, umangat ang tropa ni coach Randy Alcantara sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 5-2, kasunod ng mga namumunong La Salle Greenhills (5-1) at University of Perpetual Help (4-1).

Sanhi ng kabiguan, bumagsak naman ang Brigadiers sa ilalim ng standings taglay ang markang 1-5.

Sa kalawang laban, ipinalasap ng Jose Rizal University ang ikalawang sunod na pagkatalo sa dating namumunong Arellano University, 79-64.

Umiskor ng 27 puntos si John Amores upang tulungan ang Light Bombers na umangat sa ikalimang puwesto taglay ang patas na markang 3-3.

Ang kabiguan ang ikalawang dikit para sa Braves matapos ipanalo ang una nilang tatlong laro.

-Marivic Awitan