3 bebot kulong sa pananakit sa pulis

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sa loob ng selda nahimasmasan ang tatlong babae matapos arestuhin ng pulis na sinaktan umano ng mga ito sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal/ direct assault upon agent in authority sina Roby Rose Cinca, 26; Junnacel Sapiandante, 27; at Milde De Silva, 27, pawang ng Paez Street, Barangay Tonsuya, Malabon City.

Sa report, tumawag sa Navotas Police Station si Joel Libre, security guard, at ini-report ang dalawang lalaki na hindi umano nagbayad ng mga ipinamili sa binabantayan niyang convenience store na nakabase sa panulukan ng Lapu- Lapu at M. Naval St., Bgy. NBBN, Navotas City, dakong 5:30 ng madaling araw.

Rumesponde si PO1 Oclares sa lugar, ngunit hindi niya naabutan ang mga lalaking isinumbong ni Libre at sa halip ay ang mga lasing na suspek ang naroroon.

Dahil nakainom ng alak, naging makulit ang mga suspek kaya sinaway ito ng pulis ngunit nagalit pa umano ang mga ito.

Nilusob ng mga suspek si PO1 Oclares at sinabunutan at sinakal kaya umawat na ang mga empleyado ng convinience store.

Dumating sa lugar ang mga kabaro ni PO1 Oclares at dinala sa presinto ang tatlong babae.

-Orly L. Barcala