FEU Spikers, angat sa Falcons

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

NAIWAN matapos ang unang tatlong sets, 1-2, bumalikwas ang Far Eastern University sa sumunod na dalawang sets upang mapataob ang Adamson University sa loob ng limang sets, 15-25, 25-19, 21-25, 25-23, 15-13, kahapon sa men’s division ng Premier Volleyball League (PBL) Collegiate season sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Pinangunahan ni FEU middle blocker JP Bugaoan ang nasabing panalo na umunsiyami sa hangad ng Falcons na makapagsolo sa pamumuno sa itinalang 26 puntos, kasunod si skipper RJ Paler na may 17 puntos.

Nauwi naman sa wala ang game high 29 puntos ni Paolo Pablico sa Adamson.

“Ang team ay naka-focus sa programa na ginawa namin. Ayaw naman namin magmadali,” pahayag ni FEU coach Rey Diaz.

“Hangga’t maaari, i-correct namin yung mali nila. Yung galaw na tama, sila rin naman mag-bebenefit noon,” aniya.

Sa isa pang laban, naiposte ng San Beda University (2-2) ang kanilang ikslawang sunod na panalo, matapos padapain ang Arellano University (0-4), 25-23, 22-25, 25-23, 25-16.

-Marivic Awitan