2 ‘bomb couriers’ utas sa sagupaan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

KIDAPAWAN CITY – Patay ang dalawang pinaghihinalaang bomb courier nang makipagbarilan umano ang mga ito sa mga pulis sa highway inspection sa M’lang, North Cotabato, kahapon.

Kinilala ang napatay na sina Allen Nords Salbo at Saligan Patrick Ali, kapwa taga-Barangay Digal, Buluan, Maguindanao.

Ayon kay M’lang vice-mayor Joselito Pinol, pinara ng mga tauhan ng Charlie Company ng 7th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA) ang sasakyan ng mga suspek sa Bgy. Tawan-Tawan, M’lang, dakong 3:00 ng madaling araw.

Sa halip na huminto, pinaharurot umano ng dalawang ang kanilang sasakyan patungong Poblacion.

Tinangkang habulin ng mga pulis ang dalawa ngunit pinaputukan sila ng isa sa mga suspek na nagresulta sa sagupaan.

Dead on the spot sina Salbo at Ali dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isang improvised explosive device (IED), na ibinalot sa paper bag, ang nasamsam sa tabi ng bangkay ng mga suspek.

Narekober din ang isang IED sa Magsaysay St., Poblacion at kinabukasan, isa ring kahalintulad na bomba ang nasamsam sa Bgy. Bagong Tapay sa M’lang.

-Malu Cadelina Manar