Bokyang koponan, babawi sa karibal

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

9:00 n.u. — Perpetual vs San Beda (men’s)
11:00 n.u. — Arellano U vs NU (men’s)
2:00 n.h. — St. Benilde vs San Beda (women’s)
4:00 n.h. — San Sebastian vs Perpetual Help (women’s)
6:00 n.g. — La Salle vs FEU (men’s)

MAKAPASOK sa winner’s circle ang tatangkain ng apat na koponang sasalang ngayon sa women’s division sa pagpapatuloy ng aksiyon ng Premier Volleyball League (PVL) 2 Collegiate Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Hindi pa nakakatikim ng panalo ang mga koponang magtatapat sa dalawang nakatakdang laro ngayon — ang College of St.Benilde (0-2) at San Beda University (0-2) — ganap na 2:00 ng hapon, gayundin ang tapatang San Sebastian College (0-2) at University of Perpetual Help (0-3) ganap na 3:00.

Ang tatlo sa apat na NCAA squads ay pawang galing sa kabiguan laban sa nakasagupa nilang UAAP teams.

Huling natalo ang Lady Red Spikers at Lady Stags sa namumunong Far Eastern University Lady Tamaraws habang ang Adamson Lady Falcons naman ang huling tumalo sa Lady Blazers at ang University of Santo Tomas Tigresses ang ikatlong gumapi sa Lady Altas.

Mauuna rito, magtatangkang kumalas sa pagkakatabla nila ng UST sa ikalawang puwesto upang makasalo ng Adamson sa pamumuno ng men’s division ang National University sa pagsagupa sa Arellano University (0-1) sa ikalawang laro ganap na 11:00 ng umaga.

Magtutuos sa unang salpukan ganap na 9:00 ng umaga ang Perpetual Help Altas (1-2) at San Beda Red Spikers (0-2).

Target ng Altas na dugtungan ang naiposteng unang panalo kontra FEU Tamaraws sa nakaraang ikatlo nilang laban sa loob ng limang frames habang magkukumahog namang makabawi sa naunang dalawa nilang kabiguan ang San Beda gaya ng dalawang koponang De La Salle (0-2) at FEU (0-2) na magtutunggali sa huling laro ganap na 6:00 ng gabi.

-Marivic Awitan