Sekyu namaril: 1 patay, 4 sugatan

Filed under Balita, Nacional / Metro Balita RSS RSS Feed

Ni MARY ANN SANTIAGO

Arestado ang isang guwardiya matapos nitong pagbabarilin ang limang katao, na ikinasawi ng isa sa mga ito, dahil sa away sa parking space sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sasampahan ng kasong murder at attempted murder si Jobel Baet, nasa hustong gulang, guwardiya ng isang security agency na matatagpuan sa 468 Lavesares Street, corner Ilang-ilang St., sa Binondo.

Si Baet ang itinuturong bumaril sa biktimang si Albert So, 40, ng Lavesares St., na hindi umabot nang buhay sa ospital; gayundin sa mga sugatang biktima na sina Vivian Ilagan, 40, na under observation; magkapatid na sina Pinky Loraine V. Flores, 7; at Rosalina V. Flores, 10; kapwa residente ng Bagong Alay Street, Binondo; at Jesse Ogalino, 34, ng Elcano Tower III, Binondo.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa pinagtatrabahuhan ng suspek, bandang 2:20 ng hapon.

Nagtalo sina Baet at So sa parking space, na nauwi sa pagbunot ng una ng baril at pinagbabaril ang huli.

Tinamaan naman ng bala ang apat pang biktima na nagkataong nasa lugar nang maganap ang insidente.

Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit dead on arrival si So habang naaresto ng rumespondeng mga tauhan ng MPD-Station 11 si Baet.

Nakumpiska sa suspek ang isang .9mm na Rock Island Armoury Caliber pistol, na ginamit nito sa pamamaril.