Estudyante nahulog sa rooftop

Filed under Nacional / Metro Balita RSS RSS Feed

Sugatan ang isang babaeng estudyante nang mahulog mula sa rooftop ng San Juan de Letran College sa Intramuros, Maynila, kahapon.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Seaman’s Hospital si Beatriz Dianne Galit, 20, ng San Andres Bukid, Maynila, na nagtamo ng sugat sa ulo at katawan.

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD) -Public Information Office (PIO), na pinamumunuan ni Police Supt. Carlo Magno Manuel, nakatanggap sila ng report mula sa MPD-Ermita Police Station 5 hinggil sa pagkahulog ng estudyante mula sa rooftop ng isang limang palapag na gusali ng naturang paaralan, bandang 12:30 ng tanghali.

Bumagsak pa umano ang biktima sa isang kotse, kaya tumunog ang alarm ng sasakyan.

Agad sinilip ng mga guwardiya ang nangyari at nakita ang biktima na namimilipit sa sakit at humingi ng tulong.
Patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.

Mary Ann Santiago